Heto ang payo ni Dr Chin Morabe, isang Pediatrician sa batang mahina kumain.
Napakalaking papel ang ginagampanan ng magulang na gabayan ang pag-uugali sa pagkain ng kanilang anak.
Una sa lahat, alamin ang dahilan. Wala ba talagang gana o sadyang mapili lang sa pagkain. Tiyaga at pasensya ang kailangan upang mapaunawa sa kanila ang kahalagahan ng wastong pagkain. Hindi mapupunan ng pagbibigay ng bitamina ang kakulangan sa tamang pag-papakain sa bata.
Narito ang mga tips:
1. Maging mabuting halimbawa sa bata.
Ang bata ay naiimpluwensyahan ng mga bagay na kanilang nakikita. Kung gusto mong kumain ang bata ng ampalaya , dapat ay ipakitang kumakain ka din nito.
Maari ding makaenganyo ang mga nakakatandang kapatid o pinsan kung nakikitang magana silang kumain.
2. Isama ang bata sa pagpaplano o paghahanda ng pagkain.
Maaring mas matagal ang pagluluto pero mas nagiging interesado ang bata na tikman kung ano ang kanilang nagawa. Isama din sa grocery kung saan maari siyang makapamili ng prutas at gulay na gusto niya.
3. Gawing kaaya-aya ang hapag kainan.
Alisin ang telebisyon, laruan o ano mang mga gadgets sa oras ng pagkain.
Ang salu-salo ay hindi rin oras upang pagalitan o sermonan ang bata na maaring makapagdulot ng maling signal sa bata kung saan nagiging negatibo ang pananaw sa pagkain.
4. Magluto ng iba't ibang putahe upang hindi madaling magsawa.
Iwasan din na tanging paborito nitong pagkain lang ang ihahanda dahil yun lang din ang aasahan ng bata lagi sa mesa. Sa halip maglagay din ng mga bagong sangkap at unti-unting ipakilala ito sa bata. Maaring umabot sa 10-15 beses bago ito magustuhan ng bata.
5. Maging malikhain sa paghahanda ng pagkain gaya ng iba't ibang hugis at kulay.
Bukod sa natututo ang bata, nawiwili din itong kumain. Ang panlasa nila ay sensitibo sa kulay, hugis, anyo, at pagkapino ng pagkain.
6. Magtakda ng regular na oras ng pagkain at miryenda.
Iwasan ang meryenda kung malapit na ang oras ng hapunan dahil mawawalan na sila ng gana. Kahit ayaw kumain ng bata panatilihin pa din siyang kasama sa mesa tuwing oras ng pagkain. Masasanay ito kapag hinahayaan manood o maglaro na lamang at hindi mapapaintindi ang kahalagahan ng pagkain.
7. Ilayo ang mga pagkain o inumin na ayaw nating ibigay sa bata, tulad ng softdrinks.
Mas mainam na wala ito sa bahay kaysa nakikita nila ngunit sila ay pagbabawalan.
8. Huwag gawing premyo ang pagkain gaya ng pagbibigay ng tsokolate matapos maubos ang gulay. Sa halip na mapaunawa ang kahalagahan ng gulay mas natatakam tuloy sila sa premyong tsokolate.
9. Iwasang puwersahin ang bata, Kausapin ng mahinahon at alamin ang dahilan ng kanilang pag-ayaw.
10. Huwag mag-alinlangan magtanong sa doctor kung kinakailangan. Happy eating!
Tags
Health