Maraming sakit ngayon ang naglalabasan. May swine flu, bird flu, tuberculosis at iba pa. Alam na ninyo ang sa paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol.
Pero may pagkakataon na hindi talaga maiiwasan ang madapuan ng mga sakit na ito. Sa ganitong pagkakataon, ang tanging panlaban natin ay ang ating immune system. Ito yung mga resistensiya at lakas ng ating katawan.
Kapag malakas ang katawan, walang epekto ang virus at mikrobyo.
Paano papalakasin ang katawan? Sundin ang mga payong ito.
1. Matulog ng 7-8 oras bawat gabi. Kung kaya mong matulog ng mas mahaba ay okay din. Sa pamamagitan ng tulog, naghihilom ang organo ng ating katawan. Kung hindi ka makatulog, mahiga na lang at ipahinga ang isip. Lalakas ka na rin.
2. Relaks lang sa pagta-trabaho at sa gawaing bahay. Puwede mo naman gawing mas magaan ang iyong trabaho. Huwag gaano mag-isip at maging aburido. Maging mas mapasensiya. Gawin mo lang ang kayang magagawa. Hindi kailangan magmadali palagi.
3. Kumain ng masustansiyang pagkain. Ito talaga ang panlaban natin sa mga sakit. Ang pagkain ng berdeng gulay, sari-saring prutas (saging, mansanas, dalandan) at isda ay nagpapalakas ng katawan.
4. Kumain sa tamang oras. Huwag magpakagutom. Kumain ng agahan. Ito ang pinakamahalagang pagkain sa buong araw. Ang sabi nga ay "Kumain ng breastfast na parang isang hari. Tanghalian na parang isang prinsipe. At hapunan na parang pulubi." Subukang mag meryenda ng prutas tulad ng isang saging at mansanas.
5. Uminom ng 8-12 basong tubig. Ang tamang pag-inom ng tubig ay mga isang basong tubig bawat 2 oras. Huwag hayaan matuyo (ma-dehydrate) ang iyong katawan. Panatilihing maputi at malinaw ang kulay ng iyong ihi. Ito ang palatandaan na sapat ang tubig sa iyong katawan. Pag gising sa umaga ugaliin uminom ng isang basong tubig.
6.Puwedeng uminom ng Multivitamins. Kahit anong bitamina ay makatutulong sa iyo. Mas mura ang mga vitamins sa generic na botika. Halos 2 piso ang isang tableta.
7. Maging positibo ang pananaw. Magdasal sa umaga at pasalamatan natin ang Diyos sa mga biyayang ibinigay niya sa atin. Isiping magiging maganda ang iyong araw at suguradong susuwertihin ka sa araw na ito.
8. At siyempre, kailangan ding kumonsulta sa doctor. Kung mayroon kang sakit sa katawan (diabetes, altapresyon, at iba pa), kailangan natin ito bigyan ng tamanag gamot para lumakas ang iyong katawan.
Tags
Health